Linggo, Oktubre 28, 2012

ANG TSINELAS NG TATAY AT ANG LAMPIN NI INAY

ANG TSINELAS NG TATAY

AT ANG LAMPIN NI INAY



Kakambal na siguro ng pagiging isang magulang ang mga paghihirap ng anak. Kapag nahihirapan at nasasaktan ang kanyang anak, doble ang nararamdaman ng isang magulang.  Ang pagkakaroon ng nanay at tatay ay biyaya mula sa Panginoon. Ang mag-karoon ng tulad nila ay isa sa mga dakilang regalo ng Diyos. Ang ina nga raw yung nakabaon ang isang paa sa hukay habang pinapanganak tayo.  Nung unang binuhat nila tayo sa kanilang bisig ay na-inlove agad sila sa atin. Sila yung may kagalakan na nagpapalit ng  diaper mo kapag ito ay hindi na pwedeng gamitin. Pag-iyak mo pa lang, may nakahanda ng gatas para sayo. Sila yung nagagalak na paglingkuran ka—pinapaliguan at binibihisan. Sila yung lubos-lubos na nag-aalala kapag may sakit ka at hinihiling na sana sila na lang ang makaranas ng lahat ng sakit na nararamdaman mo at hindi na ikaw. Ang maging magulang ay isang ministeryo. Isa rin itong napakahirap na trabaho sa mundo pero wala kahit pisong sweldo.

Ang magulang ay tao rin, nagkakamali. Hindi sila perpekto kung paanong wala ni isa sa atin ang perpekto. Habang lumalaki tayo, habang natututo, mas lalo nating nakikita na di sila perpekto. May ngagagawang tama at may nagagawa ring mali. Ngunit sila pa rin ay magulang mo.
As we grow older at dumating ang araw na magkaroon ka ng sariling pamilya, mas lalo nating makikita ang mga dakilang bagay na  ginawa sa atin ng ating mga magulang.  Sabi ng nanay ko, “Kapag nagkaanak ka na, maiintindihan mo rin kami..”
Hinding-hindi ko makakalimutan ang kwento ng isang ina na may iisang mata.

Mayroon siyang isang anak na ikinahihiya siya. Siya ay nagtatrabaho sa canteen kung saan nag-aaral ang kanyang anak. Minsan, bumisita siya sa silid-aralan ng kanyang anak para mag-hello. Napahiya ang kanyang anak at hindi ito pinansin. At maya-maya pa ay tinitigan na sya ng anak na galit na galit at saka tumakbo.
Kinabukasan, niloloko na ng mga classmate si Louie dahil may ina itong iisa ang mata. Sa bahay, kinumpronta nya ang kanyang ina at sinabing “Dahil sayo ay niloloko ako ng mga classmate ko... SANA HINDI NA LANG IKAW ANG NANAY KO.”
Hindi sumagot ang ina..

Nag-aral ng mabuti si Louie at pinalad na makapag-trabaho abroad. Hanggang sa lumipas ang mga taon ay ikinasal sya at nagkaroon ng sariling pamilya. Masaya sya sa kanyang buhay kasama ang asawa at anak. Masaya siyang malayo sa kanyang ikinahihiyang ina. Matagal silang hindi nagkita.. buwan.. taon.. dekada..

Hanggang sa may kapit-bahay na nagbalitang pumanaw na ang kanyang ina. Ni hindi umiyak si Louie. Ni gapatak na luha at konting lungkot ay hindi mababanaag sa kanyang mukha. Ibinigay ng kapit-bahay kay Louie ang liham ng ina na matagal na niyang gustong ibigay.. noon pa.

Ganito ang nakasulat:

Pinkamamahal kong Anak,

            Lagi kitang inaalala. Iniisip kita araw-araw. Patawarin mo ako kung nagdulot ako sayo ng kahihiyan habang ika’y lumalaki. Masaya ako na matagumpay ka na sa buhay at may sarili nang tinatawag na pamilya. Gustong-gusto kitang bisitahin, kaya lang hindi ako makaalis sa aking higaan dala na siguro ng katandaan.

            Anak patawarin mo ako.. Nang dahil sa akin, lumaki kang tinutukso at lagi na lang pinagtatawanan dahil sa akin na iyong ina na may iisang mata.

            Bilang isang ina, hindi ko kayang makita na lumalaki ka na may iisang mata. Kaya ibinigay ko sayo ang sa akin..

Masayang masaya ako para sayo na muli mong nakikita ang mundo na buo para sa akin.. mula sa aking mata na ibinigay sayo dahil ika’y aking mahal…

Kakambal na siguro ng mga magulang ang magsakripisyo para sa anak. Kahit gaano katigas at kapasaway ang anak, mahal na mahal pa rin ng magulang. Kahit anong mga hindi kanais-nais na bagay ang ginagawa, bukas pa rin ang dalawang bisig upang sila’y muling tanggapin.
Hayaan mong magtanong ako: Ikaw, paano mo tinatrato ang iyong magulang?

Maaaring kay yaman-yaman mo pero mahirap ang magulang mo. Maaring nakatira sila malapit lang sayo pero nakakalimot kang bumisita. Nasaan ang nanay mo, mag-isa sa Home for the Aged? O baka nasa probinsya at nakalimutan mo ng i-text o tawagan? Ikaw ba ay kabataang umaabuso sa magulang o isa na ring ganap na magulang na kinalimutan at pinabayaan ang kanyang magulang?

Maaaring di ka sang-ayon sa sinasabi nila o kung paano sila kumilos, pero kailangan pa rin nila ang respeto mo. Tayo dapat ay nagsasalita ng may pag-galang sa ating magulang sa tuwi-tuwina, especially sa mga public places at sa harapan ng mga anak mo. Kung paano mo tinatrato ang magulang mo, ganun ka din itatrato ng mga anak mo. Sasabihin ng iba, “Eh hindi naman kasi kagalang-galang ang tatay ko.” Kung ang ina ang puso ng tahanan, ang ama ang ulo nito. Respect them patiently. Magtiyaga tayo sa pag-galang sa kanila. Minsan kasi, nagiging impatient tayo. Kailangan nila ng patience mo kung dumating ang panahon na hindi na niya marinig at maintindihan ang sinasabi mo. Lahat tayo ay naranasang maging anak. At tayo ay anak muna bago magulang. Kahit may anak ka na o magkaka-anak pa lang, tandaan natin na ANAK MUNA TAYO BAGO MAGULANG.

Iba-ibang uri ng magulang mayroon tayo. Mayroong nakaranas nang pang-aabuso mula sa magulang. Mayroon ding naghirap sa kamay ng mga taong dapat sana ay magmamahal sa kanila. Maraming magulang ang nagkakamali at nagkakasala pa rin. NGUNIT SILA PA RIN AY MAGULANG NA DAPAT IGALANG AT IBIGIN. PATAWARIN MO SILA.

Nais ng mga magulang na makita ang kanilang anak na namumuhay ng may kabuluhan. We could never repay our parent but we ought to die trying.. Hindi sila gumagastos para sa sarili nila hangga’t hindi nila natutugunan ang pangangailangan ng mga anak. Nariyan ang mga magulang na handang libutin ang buong bayan para lang mangutang upang maka-exam lang sa school ang kanyang mga anak. Mga magulang na nilulunok ang pride upang humiram ng pera sa mga taong mapagmataas makatapos lang ang anak sa pag-aaral. Mga magulang na handang magpaalipin sa ibang lahi matugunan lamang ang pangangailangan ng anak. Mga magulang na handang isangla ang lahat makamit lang ng mga anak ang tamis at pangako ng EDUKASYON. Hindi ko malilimutan ang araw na iniabot sa akin ng aking tatay ang kanyang pambili ng tsinelas para lang magkaroon ako ng pamasahe papuntang paaralan. Iyak ako ng iyak sa tuwing makikita ko ang aking ama na nilalagyan ng tali ang kanyang tsinelas upang hindi ito mabuwal. Kaya ipinangako ko sa sarili ko na kapag naging matagumpay ako sa buhay, sila yung mga taong kahit kailan ay hinding-hindi ko pagmamalakihan.

Parents need not to be afraid of children who honor them. Kapag iginagalang, sinusunod at iniibig natin ang ating magulang, at kapag iginagalang at iniibig din ng magulang ang anak, alam mo ba ang tawag dun? Tinatawag itong “PAMILYA.”

Gaano man katagal ang dapat nating bunuin sa pag-aalaga sa ating magulang, hindi pa rin nito matutumbasan ang lahat ng kabayanihan na ginawa nila para ating buhay.


Kung dati, ikaw ang pinapalitan niya ng lampin, maaaring dumating ang panahon na ikaw naman ang gagawa nito para sa kanya. Kung paanong nagagalak sila na paglingkuran, paliguan at bihisan ka noong bata ka pa, nawa, kapag sila naman ang nangailangang paliguan, bihisan at paglingkuran ay mayroon ka pa ring kagalakan sa iyong puso. Kapag dumating ang panahong nakukulitan ka na sa paulit-ulit nilang kwento, nawa, matutunan mo sa iyong puso ang katiyagaan sa pakikinig tulad ng kanilang ginawa noon habang pinapakinggan ang paulit-ulit at bulol na kwento mo noong ika’y bata pa.

Looking in the days of my life, natatawa ako. Nung mga bata pa tayo, nagpapataasan tayo ng edad. Subalit habang nagkakaedad tayo, nababago na. Pinapababa natin, ang 42 ay nagiging 24 at ang 61 ay nagiging sweet 16. Naisip mo ba na ang bilis lang talaga ng panahon? Hanggang sa dumating ako sa katotohanang KUNG TUMATANDA AKO, TUMATANDA NGA RIN PALA ANG MAGULANG KO. Habang sila ay abot kamay pa natin, matutunan nawa natin silang sundin, igalang, mahalin, at wag pagdamutan at pagmamalakihan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento