BOOK
REVIEW: THE ALCHEMIST OF PAOLO COELHO
“Ang lahat ng bagay ay may katumbas na halaga…”
Isang
makatotohanang linya na sinambit ng old king sa isang binatang pastol. Isang
binatang iniwan ang lahat na itinuturing nyang mahalaga upang sundin ang pangarap
at hanapin ang isang kayamanang magbabago sa kanyang buhay. Siya’y napadpad sa
iba’t-ibang lugar, nakatagpo ng iba’t-ibang uri ng nilalang na nag-iwan ng mga
aral na nagamit niya sa paglalakbay papalapit sa kanyang kayamanan.
Ang
author ng The Alchemist ay lubhang nakakahanga. Masasabi kong napakalawak ng
kanyang imahinasyon at napakayaman ng kanyang karanasan. Sa bawat pahina ng
kanyang aklat ay lumilitaw ang mga karunungan at pilosopiyang natutunan nya sa
buhay. Punong-puno ng simbolismo, ng metaphor at ng parallelism ang kanyang
akda. Ang estilo ng kanyang pag-susulat ay maihahalintulad ko sa isa sa mga
karakter ng kanyang aklat—ang Hari ng Salem.
Habang binabasa ko
kasi ang librong ito, pakiramdam ko ay ako yung binatang pastol sa kwento at
ang kanyang estilo, ang kanyang akda ay ang Hari ng Salem na nagsasabing “Ikaw ang gagawa ng sarili mong tadhana.
Abutin mo ang iyong pangarap. Makinig ka sa sinasabi ng iyong puso, sapagkat
kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon rin naman ang iyong puso. When you want
something, the entire universe conspires in helping you to achieve it.”
Patas
siyang manunulat. Kahit kitang-kita sa simula pa lamang ng kwento na naniniwala
ang pangunahing tauhan kay Hesus, at kahit naniniwala din ang may-akda sa
Panginoon, hindi mo makikita sa akda na siniraan nya ang relihiyon ng mga
Muslim. Nakakatuwang mabasa sa libro ang pangalang Jesus, Allah, Joseph,
ganundin ang Bible, Koran at ang Mecca. Binigyan niya ng patas na pagtingin ang
dalawang magkaibang paniniwala. Napakasarap basahin na ang Merchant (Muslim) at
ang binatang pastol (Christian) ay nagtutulungan at nagbabahagi ng kanilang mga
pangarap sa buhay—walang galit, walang pagtatalo bagkus ay puno ng pag-galang.
Napansin ko rin na may ilang verses sa Biblia ang nabanggit ng ilang karakter
sa aklat. Maganda rin palang estilo na bukod sa nagkukwento ang may-akda ay
nagkukwento rin ang kanyang mga tauhan tulad ng ginawa ng ilang karakter sa
aklat.
Isang
bagay na nakakatuwa sa The Alchemist: Hindi ito nakakabagot basahin. Napaka-interesting
ng adventure ni Santiago at parang mabibitin ka kapag ipagpapabukas mo pang
basahin ang kasunod na pahina. Pinapaapaw ng libro ang curiosity ng mambabasa
kung mahahanap ba ng pangunahing karakter ang kayamanan at mapapaisip ka kung
anong kayamanan ba talaga ang hinahanap nya sa Pyramid of Egypt. Ito ba’y literal
na kayamanan o higit pa? Sa tingin ko’y magandang pamamaraan ito upang huwag
iwanan ng mambabasa ang kanyang binabasa. Para bang isdang pinapainan at ang
isda naman ay kumakagat doon sa pain.
Napakaraming
bagay ang itinaya ni Santiago. Lubhang napakarami na ring sakit, hirap,
pagluha, takot, agam-agam, pangamba ang kanyang pinilit na labanan matupad lang
ang pangarap. Maraming panahon, lakas at pag-ibig din ang kanyang isinakripisyo
para sa tadhanang siya raw ang gagawa.
Hindi
biro ang kanyang pinagdaanan. Nariyang iniwan ang sariling bayan at ipinagbili
ang sariling mga alagang tupa. Maraming beses na rin siyang pinanghinaan ng
loob at susuko na sana. Naalala ko pa ang isang bahagi ng akda na dumurog sa
aking puso. Sariwa sa aking isipan ang araw na humagulhol siya sa pag-iyak
hindi dahil sa babaeng kailangan niyang iwan upang tuparin ang pangarap.
Nariyang naisip niya na unfair ang Diyos
sapagkat sa halip na tulungan siya at ang mga taong naniniwala sa pangarap ay
masaklap pa ang mangyayari sa kanyang buhay—tulad ng ninakawan siya ng isang
estranghero na itinuring niyang bagong kaibigan. May mga pagkakataong nagutom
subalit walang nasumpungang tinapay sapagkat jacket, libro at dalawang bato na ibinigay
pa ng matandang hari ang mayroon siya. Dumating pa sa panahong kailangan niyang
maging hangin, mailigtas lang ang sariling buhay.
Ang
aklat na ito ay buong puso kong inirerekomenda na basahin hindi lamang ng kapwa
ko kabataan kundi sa lahat ng nangangarap sa buhay.
Ano
ang pangarap mo sa buhay? Tulad ni
Santiago, wag mong isusuko ang pangarap na iyon sapagkat iyan ay obligasyon mo
sa iyong sarili. Iyan ang isa sa maraming mensahe ng aklat. Tulad ng isang
minero sa kwento na mahabang panahong naghahanap ng batong emerald. Habang
iniisa-isa at sinusuri ang mga bato, dumating ang sandaling siya’y sumuko na at
umayaw. Sa sobrang galit niya sapagkat nasayang lang ang mahabang panahon at
pagsasakripisyo na iginugol niya dito ay dinampot niya ang kasunod na bato at
inihagis ng buong lakas hanggang sa ito’y nabasag. Hindi niya alam na ang batong
kasunod na niyang susuriin, ang batong hawak at inihagis niya ay ang
pinakamagandang batong emerald pala sa buong mundo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento