Huwebes, Nobyembre 15, 2012

Ang Triangle, Singsing at Kape


Ang Triangle, Singsing at Kape


Ang edukasyon raw ay karapatan ng lahat. Gasgas na sa ating pandinig pero totoong ito ay isang kayamanang hindi mananakaw sa atin ng sinoman. Ngunit bakit ang edukasyong karapatan daw ng lahat ay tila nagiging pribileheyo sa iilan?

Hinding-hindi ko makakalimutan ang dokumentaryong minsang napanood ko sa telebisyon: mga batang sabik sa kaalaman, nagsusulat at nag-aaral gamit ang dahon at ang uling mula sa kalan. Nakakadurog ng puso na masilayan ang mga kabataang bumababa mula sa bundok patungo sa kapatagan upang makawala sa gapos ng kamangmangan. Ang bawat hakbang, ang bawat sulat, ang bawat pawis, piso, luha at dugo ay nagiging sangkap upang silayan ang mga bagay na ipinangako ng Eduksayon sa kanilang buhay.

“Ako na lang po ang inaasahan ni Inang at ni Amang. Pangarap ko pong makatapos ng pag-aaral. Pasensya na po kayo, naghahanap po kasi ako ng trabaho kaya naka-absent ako..”

Iyan ang naiiyak na winika ni Junty, ang aking mag-aaral. Junty ang pangalan nya sapagkat isa siyang Bisaya. Pinanganak siya ng June 10 kaya yan ang kanyang naging pagkakakilanlan. Hindi ko na kailangan ng pruweba kung nagsasabi sya ng totoo. Ang kanyang sunog na balat, kalyadong kamay, batak na pangangatawan at ang mga luhang nangingilid sa kanyang mata’y sapat na upang malamang nagsasabi siya ng totoo. Natapos na ang kanyang kontrata bilang isang Security Guard at ngayo’y naghahanap muli ng trabaho upang makatulong sa pagtustos sa kanyang pag-aaral.

Naging interesado ako sa kanyang buhay ng minsang nagpagawa ako sa klase ng Activity sa subject na Tech. Draw. Sa lahat ng kabataang abalang-abala sa pag-guhit, nakita ko sya na pilit na gumagawa ng mga tuwid na linya gamit ang sariling mga kamay. Butil-butil ang laki ng kanyang pawis at hirap na hirap sa kanyang ginagawa. Matagal ko na kasing sinabi sa kanila na kailangan nilang magdala ng ruler at triangle. Subalit nagulat ako sa kanyang sagot: “Wala po akong pambili.”

Inisip kong baka niloloko lang niya ako. Marami kasing mga estudyante ang nagsisinungaling makalusot lang. Subalit sa aking pagsasaliksik at pagtatanong, nalaman kong nagsasabi sya ng totoo. NPA sya. (No Permanent Address). Hirap din syang makabayad ng bayarin sa school, at ang nakakalungkot na parte ng student life: Wala syang panahon para sa recess time dahil wala siyang pera upang ibili ng palamig at Fita.

Nalulungkot ako para sa kanya. Masakit kasing makita ang isang tao na wala kahit piso sa bulsa. Nakakaiyak malaman na wala siyang dala sa bag kahit matigas na panutsa. Ewan ko ba? Sa halip na matuwa ako sapagkat masipag sya at pursigido syang mag-aral sa kabila ng karukhaan, sa kabila ng dagok sa buhay— nakita ko ang aking sarili na nalulungkot sa katotohanang ito na sumampal sa aking puso at kaluluwa.


Buti pa sya, tanggap niya ang kanyang kalalagayan at masayang nagpapatuloy sa kanyang pag-aaral. Humahanga ako sa kanya. Masaya sya ng iniabot ko ang aking triangle at ruler na may pangalan na niyang nakaukit doon. Isang tipid na “Salamat po” ang kanyang sukli. Kita ko sa kanyang mukha ang kanyang kasiyahan. Nababanaag ko sa kanyang mata ang pag-asang kasing taas ng langit at kasing lalim ng karagatan na patuloy na magpapa-usad sa kanyang matayog na pangarap.

Minsan napaisip din ako: Bakit nga kaya sila na may pangarap at layunin sa buhay ang nakakaranas ng ganoong bagay? May mga kabataang pinagpala upang makapasok sa eskwelahan pero sila pa itong walang ganang mag-aral at hindi pinapahalagahan ang dugo, pawis at luha na ibinayad ng magulang sa kanilang matrikula makatapos lang sila sa paaralan.

Ang buhay ay talagang mahiwaga. Matagal kong iniisip kung saang bagay ko ito maaaring iwangis subalit hanggang ngayo’y bigo ako upang hanapan ito ng kapara.

Hindi ko na alam kung nasaan si Junty ngayon. Wala na akong balita sa aking mag-aaral na itinuturing kong isa sa aking mga guro sa subject ng buhay. Sinubukan kong muli syang ipagtanong sa kanyang mga kaklase subalit wala rin silang balita sa kanya. Sinubukan ko syang hanapin sa internet, nagbaka sakali akong mayroon syang Facebook Account, pero bigo akong muli syang kumustahin.

Nasaan na kaya si Junty ngayon? Dalangin ko na nawa, ipahintulot ng Diyos na muli ko syang Makita dala ang kanyang ruler at triangle na kung saan ay naiguhit na nya ang pangarap na matagal na nyang inaasam sa buhay..

“Naniniwala po akong hindi lahat ng pangarap sa buhay ay maaaring matupad. Ganun pa man, gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang ipaglaban ang pangarap na iniaalay ko kay ina at ama..”

Hindi ko malilimutan ang linyang iyan mula sa isang babae na kaklase ng aking kapatid. Minsan, pinagawa sila ng kanilang guro sa Values Education ng “Book of My Life”. Mula doon, isusulat nila ang lahat ng nais nilang ibahagi sa kanilang kapwa mag-aaral.
           
Sa unahan ng klase, isa-isa nilang ibinahagi ang kanilang mga natutunan sa buhay, ang kanilang mga nais marating, ang gusto nilang maging, ang paborito nilang pagkain, ang gusto at ang ayaw nila sa tao at kung ano-ano pa.

Subalit iba itong si Elizabeth. Nakakatuwang puro drawing ang laman ng project nya. Mga larawang simple subalit makabuluhan. Naghagalpakan sa kakatawa ang mga estudyante nang simulan niyang buksan ang kanyang libro, mula doon, naka-drowing ang isang nakangiting manok (nakakatawa nga namang malaman na nagdrowing sya ng manok, at nakangiti pa). Napatawa rin si Elizabeth sa drowing na kanyang ginawa at sinimulan na nya itong ipaliwanag..

“Sir, mga classmate, magandang umaga po! Hinahalintulad ko po ang aking sarili sa isang manok na masayang kinukupkop ang kanyang mga sisiw. Medyo matanda na po si ina at si ama at ako ang nagsisilbing pangalawang magulang ng aking mga nakababatang kapatid. Tulad ng nakangiting manok, masaya ako na tinutulungan ang aking mga magulang sa gawaing bahay. Nagagalak akong alagaan ang mga maliliit kong kapatid. Para po sakin, ang alagaan sila ay isa sa mga masasayang bagay na maaari ko pong gawin sa aking buhay..”

“Ang drowing na kandila namang ito ay sumisimbolo sa isa sa pinakamasayang araw na hindi ko malilimutan. November 1 po kasi ang birthday ko. Nasa sementeryo ako nun at nagtitinda ng kandila. Masayang-masaya ako ng maibili ko ng typewriting ang aking kapatid para sa kanyang project sa susunod na pasukan..”

Halos bumaha ng luha ang mata ko nang ipakita niya ang sunod na larawan.

“Ito po ang pangarap ko sa buhay: Ang maibili si ina at si ama ng singsing. Nagsisikap po ako sa pag-aaral upang dumating ang panahon na maikasal na sila..”



Kay simple ng kanyang pangarap. Isang pangarap na hindi para sa kanya bagkus ay sa iba. Mayroon kasing makasariling pangarap. May pangarap na may layuning makaangat, makapaghiganti at makapagyabang sa iba. Ang totoo’y napakabait nyang bata, kapatid at anak.

Ganun ba talaga kahalaga ang Edukasyon? Susi ba talaga ito sa tagumpay? Naalala ko tuloy ang sinabi sa akin ng aking tatay at marahil ay sinabi na rin ng lahat ng magulang sa planeta, “Anak, mag-aral kang mabuti, yan lang ang maipamamana namin sayo..”

Totoong-totoo ito sa buhay ni Nanay Cherry. Sa kanya’y tunay na napakahalaga ng pag-aaral. Kung hindi ako nagkakamali ay 42 taong gulang na siya at may dalawang anak. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito’y nakakatuwang malaman  na pinili pa rin niya ang mag-aral. Hindi niya masyadong iniintindi ang masasamang sinasabi ng iba. Sa kanya, hindi edad ang sukatan at hindi ito hadlang upang makapag-aral. Sa kanyang pag-aaral ay di maiiwasang madala nya ang kanyang problema sa eskwelahan. Natural lang ito sapagkat siya ay isang ina.

Minsan, noong natapos na ang kanilang klase, natanong ko sya kung ano ba talaga ang dahilan kung bakit pa sya pumapasok sa eskwela. “Ano po ba ang pangarap mo sa buhay?”, tanong ko.

Simula noon, gusto ko syang tulungan. Sinabi kong humahanga ako sa sa kanyang katatagan at kasipagang mag-aral sa kabila ng may mga anak syang inaalagaan. Nakakatuwang malaman na pagkalipas ng isa’t kalahating taon, natupad na nya ang kanyang pangarap. Masaya ako na malaman na isa na syang ganap na lingkod ng pamahalaan.

“Babawi po ako..”

Ilang beses ko na bang narinig ang mga salitang ito? Hindi ko na matandaan. Maraming beses ko na itong narinig at ito ay hindi na musika sa aking tenga. Totoo kasi na may mga bagay sa mundo na kapag paulit-ulit na, ay nagiging ingay na lamang at nawawalan ng kabuluhan. Iyan kasi ang laging sinasabi sakin ni Danrev kapag paulit-ulit siyang bumabagsak sa pagsusulit. Noong una ay ngumiti lang ako noong binaggit niya iyon.

“Maraming pagkakataon para sa ating lahat..” Yan ang lumabas sa aking labi sa harap ng klase ng sabihin nyang babawi siya.

Ngunit dumating ang panahong bumagsak na naman siya sa pagsusulit at hindi na rin sya nakakapagpasa ng kanyang mga takdang aralin. Hindi na ako natuwa at hindi ko na pinapansin ang sinasabi niyang babawi siya. Para kasi sa akin, mas mainam na gawin ang isang bagay kaysa sabihin.

Ngunit mali ako. May mga bagay rin pala sa mundo na hindi lang dapat puro gawa, minsan kailangan mo ring isalita.

“Sir, babawi po ako..”

Hanggang ngayon, hindi ko na ito malimutan. Masayahing tao kasi itong si Danrev. Hindi ko naman kasi naisip na mangyayari sa kanya iyon. Hindi nahagip ng aking isipan at sa wari ko, hindi rin kayang maarok ng aking kaalaman ang mga ganung bagay. Ano nga ba ang buhay sa mundong ibabaw? Para lang daw itong usok na nariyan at pagkatapos ay biglang mawawala. Nagulat ako ng malamang binawian na sya ng buhay.

Hindi ko alam na may pinagdaraanan pala sya. Kung sana’y nagsalita ako at sinabing “May problema ka ba? Pwede mong ibahagi sa akin ang lahat tulad ng isang kaibigan.” Sana’y sinabi kong “Kahit ilang beses kang madapa, lagi kang pwedeng bumangon.” Sana’y natapik ko sya sa kanyang balikat at sinabing “Ajaaaaah! Kaya mo yan!!!” Kung sinabi ko sanang pwede syang bumawi sapagkat may pag-asa. Di tulad kay Nanay Cherry, hindi ko nasabi kay Danrev na “Gusto kitang tulungan.”

May mga aral akong natutunan sa loob ng maiksing panahon na pagtuturo ko sa hindi ganoon kasikat na paaralan sa ilalim ng araw. Mga pilosopiyang hindi ko masusumpungan sa aklat, mga kaalamang hindi ko matututunan sa apat na sulok ng silid-aralan at unibersidad. Mga aral na nakintal sa puso na tanging sa buhay lamang ng mga indibidwal masisilayan.

Alam mo ba ang isang komersyal ng kape na “Para kanino ka bumabangon?” Hindi mahalaga ang palakpakan ka ng tao. Ang mahalaga’y may ginagawa ka sa mundo. Bumabangon ako para sa mga kabataang iskolar ng kanilang inay, itay, ate at kuya. Masaya akong bumabangon upang sabay-sabay naming dungawin at lasapin ang ipinangako ng Edukasyon sa kanilang buhay.



Natutunan ko ang maging masayang nilalang sa piling ng mga taong may pangarap sa buhay. Minsan, kailangan mo rin maging matibay at makipagmatigasan. Natutunan ko ang maging sensitive sa pangangailangan at nakatagong luha ng mga masasayang tao sa aking harapan. Patuloy ang buhay.. marami pa akong dapat matutunan sa planetang aking ginagalawan. Hanggang ngayon, ang edukasyon ay patuloy na nanghihimasok sa aking kapalaran. Wika nga, “Ang edukasyon ay magpapatuloy.. nagsisimula ito nung tayo ay iluwal at magtatapos lang kapag tayo’y binawian ng buhay..”




(Salamat kay Sir Benidick Damaso na inspirasyon ko sa ganitong estilo)

Biyernes, Nobyembre 9, 2012

BOOK REVIEW: THE ALCHEMIST


BOOK REVIEW: THE ALCHEMIST OF PAOLO COELHO



“Ang lahat ng bagay ay may katumbas na halaga…”

Isang makatotohanang linya na sinambit ng old king sa isang binatang pastol. Isang binatang iniwan ang lahat na itinuturing nyang mahalaga upang sundin ang pangarap at hanapin ang isang kayamanang magbabago sa kanyang buhay. Siya’y napadpad sa iba’t-ibang lugar, nakatagpo ng iba’t-ibang uri ng nilalang na nag-iwan ng mga aral na nagamit niya sa paglalakbay papalapit sa kanyang kayamanan.

Ang author ng The Alchemist ay lubhang nakakahanga. Masasabi kong napakalawak ng kanyang imahinasyon at napakayaman ng kanyang karanasan. Sa bawat pahina ng kanyang aklat ay lumilitaw ang mga karunungan at pilosopiyang natutunan nya sa buhay. Punong-puno ng simbolismo, ng metaphor at ng parallelism ang kanyang akda. Ang estilo ng kanyang pag-susulat ay maihahalintulad ko sa isa sa mga karakter ng kanyang aklat—ang Hari ng Salem.
Habang binabasa ko kasi ang librong ito, pakiramdam ko ay ako yung binatang pastol sa kwento at ang kanyang estilo, ang kanyang akda ay ang Hari ng Salem na nagsasabing “Ikaw ang gagawa ng sarili mong tadhana. Abutin mo ang iyong pangarap. Makinig ka sa sinasabi ng iyong puso, sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon rin naman ang iyong puso. When you want something, the entire universe conspires in helping you to achieve it.”

Patas siyang manunulat. Kahit kitang-kita sa simula pa lamang ng kwento na naniniwala ang pangunahing tauhan kay Hesus, at kahit naniniwala din ang may-akda sa Panginoon, hindi mo makikita sa akda na siniraan nya ang relihiyon ng mga Muslim. Nakakatuwang mabasa sa libro ang pangalang Jesus, Allah, Joseph, ganundin ang Bible, Koran at ang Mecca. Binigyan niya ng patas na pagtingin ang dalawang magkaibang paniniwala. Napakasarap basahin na ang Merchant (Muslim) at ang binatang pastol (Christian) ay nagtutulungan at nagbabahagi ng kanilang mga pangarap sa buhay—walang galit, walang pagtatalo bagkus ay puno ng pag-galang. Napansin ko rin na may ilang verses sa Biblia ang nabanggit ng ilang karakter sa aklat. Maganda rin palang estilo na bukod sa nagkukwento ang may-akda ay nagkukwento rin ang kanyang mga tauhan tulad ng ginawa ng ilang karakter sa aklat.

Isang bagay na nakakatuwa sa The Alchemist: Hindi ito nakakabagot basahin. Napaka-interesting ng adventure ni Santiago at parang mabibitin ka kapag ipagpapabukas mo pang basahin ang kasunod na pahina. Pinapaapaw ng libro ang curiosity ng mambabasa kung mahahanap ba ng pangunahing karakter ang kayamanan at mapapaisip ka kung anong kayamanan ba talaga ang hinahanap nya sa Pyramid of Egypt. Ito ba’y literal na kayamanan o higit pa? Sa tingin ko’y magandang pamamaraan ito upang huwag iwanan ng mambabasa ang kanyang binabasa. Para bang isdang pinapainan at ang isda naman ay kumakagat doon sa pain.

Napakaraming bagay ang itinaya ni Santiago. Lubhang napakarami na ring sakit, hirap, pagluha, takot, agam-agam, pangamba ang kanyang pinilit na labanan matupad lang ang pangarap. Maraming panahon, lakas at pag-ibig din ang kanyang isinakripisyo para sa tadhanang siya raw ang gagawa.

Hindi biro ang kanyang pinagdaanan. Nariyang iniwan ang sariling bayan at ipinagbili ang sariling mga alagang tupa. Maraming beses na rin siyang pinanghinaan ng loob at susuko na sana. Naalala ko pa ang isang bahagi ng akda na dumurog sa aking puso. Sariwa sa aking isipan ang araw na humagulhol siya sa pag-iyak hindi dahil sa babaeng kailangan niyang iwan upang tuparin ang pangarap. Nariyang  naisip niya na unfair ang Diyos sapagkat sa halip na tulungan siya at ang mga taong naniniwala sa pangarap ay masaklap pa ang mangyayari sa kanyang buhay—tulad ng ninakawan siya ng isang estranghero na itinuring niyang bagong kaibigan. May mga pagkakataong nagutom subalit walang nasumpungang tinapay sapagkat jacket, libro at dalawang bato na ibinigay pa ng matandang hari ang mayroon siya. Dumating pa sa panahong kailangan niyang maging hangin, mailigtas lang ang sariling buhay.

Ang aklat na ito ay buong puso kong inirerekomenda na basahin hindi lamang ng kapwa ko kabataan kundi sa lahat ng nangangarap sa buhay.

Ano ang pangarap mo sa buhay? Tulad ni Santiago, wag mong isusuko ang pangarap na iyon sapagkat iyan ay obligasyon mo sa iyong sarili. Iyan ang isa sa maraming mensahe ng aklat. Tulad ng isang minero sa kwento na mahabang panahong naghahanap ng batong emerald. Habang iniisa-isa at sinusuri ang mga bato, dumating ang sandaling siya’y sumuko na at umayaw. Sa sobrang galit niya sapagkat nasayang lang ang mahabang panahon at pagsasakripisyo na iginugol niya dito ay dinampot niya ang kasunod na bato at inihagis ng buong lakas hanggang sa ito’y nabasag. Hindi niya alam na ang batong kasunod na niyang susuriin, ang batong hawak at inihagis niya ay ang pinakamagandang batong emerald pala sa buong mundo.

Ano nga ulit ang pangarap mo? Huwag kang bibitaw sa pangarap mong iyan. Anong malay mo, isang hakbang ka na lang din pala papunta sa pangarap mo, umayaw ka pa..