Ang
Triangle, Singsing at Kape
Ang
edukasyon raw ay karapatan ng lahat. Gasgas na sa ating pandinig pero totoong
ito ay isang kayamanang hindi mananakaw sa atin ng sinoman. Ngunit bakit ang
edukasyong karapatan daw ng lahat ay tila nagiging pribileheyo sa iilan?
Hinding-hindi
ko makakalimutan ang dokumentaryong minsang napanood ko sa telebisyon: mga
batang sabik sa kaalaman, nagsusulat at nag-aaral gamit ang dahon at ang uling
mula sa kalan. Nakakadurog ng puso na masilayan ang mga kabataang bumababa mula
sa bundok patungo sa kapatagan upang makawala sa gapos ng kamangmangan. Ang
bawat hakbang, ang bawat sulat, ang bawat pawis, piso, luha at dugo ay nagiging
sangkap upang silayan ang mga bagay na ipinangako ng Eduksayon sa kanilang
buhay.
“Ako na lang po ang
inaasahan ni Inang at ni Amang. Pangarap ko pong makatapos ng pag-aaral.
Pasensya na po kayo, naghahanap po kasi ako ng trabaho kaya naka-absent ako..”
Iyan
ang naiiyak na winika ni Junty, ang aking mag-aaral. Junty ang pangalan nya
sapagkat isa siyang Bisaya. Pinanganak siya ng June 10 kaya yan ang kanyang naging
pagkakakilanlan. Hindi ko na kailangan ng pruweba kung nagsasabi sya ng totoo.
Ang kanyang sunog na balat, kalyadong kamay, batak na pangangatawan at ang mga
luhang nangingilid sa kanyang mata’y sapat na upang malamang nagsasabi siya ng
totoo. Natapos na ang kanyang kontrata bilang isang Security Guard at ngayo’y
naghahanap muli ng trabaho upang makatulong sa pagtustos sa kanyang pag-aaral.
Naging
interesado ako sa kanyang buhay ng minsang nagpagawa ako sa klase ng Activity
sa subject na Tech. Draw. Sa lahat ng kabataang abalang-abala sa pag-guhit,
nakita ko sya na pilit na gumagawa ng mga tuwid na linya gamit ang sariling mga
kamay. Butil-butil ang laki ng kanyang pawis at hirap na hirap sa kanyang
ginagawa. Matagal ko na kasing sinabi sa kanila na kailangan nilang magdala ng
ruler at triangle. Subalit nagulat ako sa kanyang sagot: “Wala po akong pambili.”
Inisip
kong baka niloloko lang niya ako. Marami kasing mga estudyante ang nagsisinungaling
makalusot lang. Subalit sa aking pagsasaliksik at pagtatanong, nalaman kong
nagsasabi sya ng totoo. NPA sya. (No Permanent Address). Hirap din syang
makabayad ng bayarin sa school, at ang nakakalungkot na parte ng student life:
Wala syang panahon para sa recess time dahil wala siyang pera upang ibili ng
palamig at Fita.
Nalulungkot
ako para sa kanya. Masakit kasing makita ang isang tao na wala kahit piso sa
bulsa. Nakakaiyak malaman na wala siyang dala sa bag kahit matigas na panutsa.
Ewan ko ba? Sa halip na matuwa ako sapagkat masipag sya at pursigido syang
mag-aral sa kabila ng karukhaan, sa kabila ng dagok sa buhay— nakita ko ang
aking sarili na nalulungkot sa katotohanang ito na sumampal sa aking puso at
kaluluwa.
Buti
pa sya, tanggap niya ang kanyang kalalagayan at masayang nagpapatuloy sa
kanyang pag-aaral. Humahanga ako sa kanya. Masaya sya ng iniabot ko ang aking
triangle at ruler na may pangalan na niyang nakaukit doon. Isang tipid na “Salamat po” ang kanyang sukli. Kita ko
sa kanyang mukha ang kanyang kasiyahan. Nababanaag ko sa kanyang mata ang
pag-asang kasing taas ng langit at kasing lalim ng karagatan na patuloy na
magpapa-usad sa kanyang matayog na pangarap.
Minsan
napaisip din ako: Bakit nga kaya sila na may pangarap at layunin sa buhay ang
nakakaranas ng ganoong bagay? May mga kabataang pinagpala upang makapasok sa
eskwelahan pero sila pa itong walang ganang mag-aral at hindi pinapahalagahan
ang dugo, pawis at luha na ibinayad ng magulang sa kanilang matrikula makatapos
lang sila sa paaralan.
Ang
buhay ay talagang mahiwaga. Matagal kong iniisip kung saang bagay ko ito
maaaring iwangis subalit hanggang ngayo’y bigo ako upang hanapan ito ng kapara.
Hindi
ko na alam kung nasaan si Junty ngayon. Wala na akong balita sa aking mag-aaral
na itinuturing kong isa sa aking mga guro sa subject ng buhay. Sinubukan kong
muli syang ipagtanong sa kanyang mga kaklase subalit wala rin silang balita sa
kanya. Sinubukan ko syang hanapin sa internet, nagbaka sakali akong mayroon
syang Facebook Account, pero bigo akong muli syang kumustahin.
Nasaan
na kaya si Junty ngayon? Dalangin ko na nawa, ipahintulot ng Diyos na muli ko
syang Makita dala ang kanyang ruler at triangle na kung saan ay naiguhit na nya
ang pangarap na matagal na nyang inaasam sa buhay..
“Naniniwala po akong
hindi lahat ng pangarap sa buhay ay maaaring matupad. Ganun pa man, gagawin ko
ang lahat ng aking makakaya upang ipaglaban ang pangarap na iniaalay ko kay ina
at ama..”
Hindi
ko malilimutan ang linyang iyan mula sa isang babae na kaklase ng aking
kapatid. Minsan, pinagawa sila ng kanilang guro sa Values Education ng “Book of
My Life”. Mula doon, isusulat nila ang lahat ng nais nilang ibahagi sa kanilang
kapwa mag-aaral.
Sa
unahan ng klase, isa-isa nilang ibinahagi ang kanilang mga natutunan sa buhay,
ang kanilang mga nais marating, ang gusto nilang maging, ang paborito nilang
pagkain, ang gusto at ang ayaw nila sa tao at kung ano-ano pa.
Subalit
iba itong si Elizabeth. Nakakatuwang puro drawing ang laman ng project nya. Mga
larawang simple subalit makabuluhan. Naghagalpakan sa kakatawa ang mga
estudyante nang simulan niyang buksan ang kanyang libro, mula doon,
naka-drowing ang isang nakangiting manok (nakakatawa nga namang malaman na
nagdrowing sya ng manok, at nakangiti pa). Napatawa rin si Elizabeth sa drowing
na kanyang ginawa at sinimulan na nya itong ipaliwanag..
“Sir, mga classmate, magandang umaga po! Hinahalintulad ko po
ang aking sarili sa isang manok na masayang kinukupkop ang kanyang mga sisiw. Medyo
matanda na po si ina at si ama at ako ang nagsisilbing pangalawang magulang ng
aking mga nakababatang kapatid. Tulad ng nakangiting manok, masaya ako na
tinutulungan ang aking mga magulang sa gawaing bahay. Nagagalak akong alagaan
ang mga maliliit kong kapatid. Para po sakin, ang alagaan sila ay isa sa mga masasayang
bagay na maaari ko pong gawin sa aking buhay..”
“Ang drowing na kandila namang ito ay sumisimbolo sa isa sa
pinakamasayang araw na hindi ko malilimutan. November 1 po kasi ang birthday ko. Nasa
sementeryo ako nun at nagtitinda ng kandila. Masayang-masaya ako ng maibili ko
ng typewriting ang aking kapatid para sa kanyang project sa susunod na
pasukan..”
Halos
bumaha ng luha ang mata ko nang ipakita niya ang sunod na larawan.
“Ito po ang pangarap ko sa buhay: Ang maibili si ina at si
ama ng singsing. Nagsisikap po ako sa pag-aaral upang dumating ang panahon na
maikasal na sila..”
Kay
simple ng kanyang pangarap. Isang pangarap na hindi para sa kanya bagkus ay sa
iba. Mayroon kasing makasariling pangarap. May pangarap na may layuning
makaangat, makapaghiganti at makapagyabang sa iba. Ang totoo’y napakabait nyang
bata, kapatid at anak.
Ganun
ba talaga kahalaga ang Edukasyon? Susi ba talaga ito sa tagumpay? Naalala ko
tuloy ang sinabi sa akin ng aking tatay at marahil ay sinabi na rin ng lahat ng
magulang sa planeta, “Anak, mag-aral kang mabuti, yan lang ang maipamamana
namin sayo..”
Totoong-totoo
ito sa buhay ni Nanay Cherry. Sa kanya’y tunay na napakahalaga ng pag-aaral. Kung
hindi ako nagkakamali ay 42 taong gulang na siya at may dalawang anak. Ngunit sa
kabila ng lahat ng ito’y nakakatuwang malaman
na pinili pa rin niya ang mag-aral. Hindi niya masyadong iniintindi ang
masasamang sinasabi ng iba. Sa kanya, hindi edad ang sukatan at hindi ito
hadlang upang makapag-aral. Sa kanyang pag-aaral ay di maiiwasang madala nya
ang kanyang problema sa eskwelahan. Natural lang ito sapagkat siya ay isang
ina.
Minsan,
noong natapos na ang kanilang klase, natanong ko sya kung ano ba talaga ang
dahilan kung bakit pa sya pumapasok sa eskwela. “Ano po ba ang pangarap mo sa buhay?”, tanong ko.
Simula
noon, gusto ko syang tulungan. Sinabi kong humahanga ako sa sa kanyang
katatagan at kasipagang mag-aral sa kabila ng may mga anak syang inaalagaan. Nakakatuwang
malaman na pagkalipas ng isa’t kalahating taon, natupad na nya ang kanyang
pangarap. Masaya ako na malaman na isa na syang ganap na lingkod ng pamahalaan.
“Babawi po ako..”
Ilang
beses ko na bang narinig ang mga salitang ito? Hindi ko na matandaan. Maraming beses
ko na itong narinig at ito ay hindi na musika sa aking tenga. Totoo kasi na may
mga bagay sa mundo na kapag paulit-ulit na, ay nagiging ingay na lamang at
nawawalan ng kabuluhan. Iyan kasi ang laging sinasabi sakin ni Danrev kapag
paulit-ulit siyang bumabagsak sa pagsusulit. Noong una ay ngumiti lang ako
noong binaggit niya iyon.
“Maraming pagkakataon para sa ating lahat..” Yan ang lumabas sa aking labi sa
harap ng klase ng sabihin nyang babawi siya.
Ngunit
dumating ang panahong bumagsak na naman siya sa pagsusulit at hindi na rin sya
nakakapagpasa ng kanyang mga takdang aralin. Hindi na ako natuwa at hindi ko na pinapansin ang sinasabi niyang babawi siya. Para kasi sa akin, mas mainam na
gawin ang isang bagay kaysa sabihin.
Ngunit
mali ako. May mga bagay rin pala sa mundo na hindi lang dapat puro gawa, minsan
kailangan mo ring isalita.
“Sir, babawi po ako..”
Hanggang
ngayon, hindi ko na ito malimutan. Masayahing tao kasi itong si Danrev. Hindi ko
naman kasi naisip na mangyayari sa kanya iyon. Hindi nahagip ng aking isipan at
sa wari ko, hindi rin kayang maarok ng aking kaalaman ang mga ganung bagay. Ano
nga ba ang buhay sa mundong ibabaw? Para lang daw itong usok na nariyan at pagkatapos
ay biglang mawawala. Nagulat ako ng malamang binawian na sya ng buhay.
Hindi
ko alam na may pinagdaraanan pala sya. Kung sana’y nagsalita ako at sinabing “May problema ka ba? Pwede mong ibahagi sa
akin ang lahat tulad ng isang kaibigan.” Sana’y sinabi kong “Kahit ilang beses kang madapa, lagi kang
pwedeng bumangon.” Sana’y natapik ko sya sa kanyang balikat at sinabing “Ajaaaaah! Kaya mo yan!!!” Kung sinabi
ko sanang pwede syang bumawi sapagkat may pag-asa. Di tulad kay Nanay Cherry,
hindi ko nasabi kay Danrev na “Gusto kitang
tulungan.”
May mga
aral akong natutunan sa loob ng maiksing panahon na pagtuturo ko sa hindi
ganoon kasikat na paaralan sa ilalim ng araw. Mga pilosopiyang hindi ko
masusumpungan sa aklat, mga kaalamang hindi ko matututunan sa apat na sulok ng
silid-aralan at unibersidad. Mga aral na nakintal sa puso na tanging sa buhay
lamang ng mga indibidwal masisilayan.
Alam
mo ba ang isang komersyal ng kape na “Para
kanino ka bumabangon?” Hindi mahalaga ang palakpakan ka ng tao. Ang mahalaga’y
may ginagawa ka sa mundo. Bumabangon ako para sa mga kabataang iskolar ng
kanilang inay, itay, ate at kuya. Masaya akong bumabangon upang sabay-sabay
naming dungawin at lasapin ang ipinangako ng Edukasyon sa kanilang buhay.
Natutunan
ko ang maging masayang nilalang sa piling ng mga taong may pangarap sa buhay. Minsan,
kailangan mo rin maging matibay at makipagmatigasan. Natutunan ko ang maging
sensitive sa pangangailangan at nakatagong luha ng mga masasayang tao sa aking
harapan. Patuloy ang buhay.. marami pa akong dapat matutunan sa planetang aking
ginagalawan. Hanggang ngayon, ang edukasyon ay patuloy na nanghihimasok sa aking
kapalaran. Wika nga, “Ang edukasyon ay
magpapatuloy.. nagsisimula ito nung tayo ay iluwal at magtatapos lang kapag
tayo’y binawian ng buhay..”
(Salamat kay Sir Benidick Damaso na inspirasyon ko sa ganitong estilo)
(Salamat kay Sir Benidick Damaso na inspirasyon ko sa ganitong estilo)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento